mga antigong naglalakbay papuntang finish line…

matagal na akong may hilig sa mga luma at antigong bagay… sa aking pagkakatanda, nagsimula ang pagkagiliw ko sa mga ito nang minsang mapunta ako sa bahay ng isang kaibigan… halos lahat ng sulok ng kanilang bahay ay makikitaan mo ng mga antigong gamit… mayroong mga antigong banga, baul, salamin, telepono, imahen sa altar, at pati na rin ang mga tisang ginamit sa kanilang bahay ay antigo rin…

dahil sa pagkagiliw kong ito, natural lamang sa akin ang mamangha nang lubos sa mga bagay na luma… kahit paano ay marunong na rin akong kumilatis ng huwad sa hindi… may kakaibang ganda ang mga lumang bagay para sa akin… lahat ng mga lumang bagay ay may kasaysayan… maganda, madilim, makulay, maingay, payapa, at kung anu-ano pa… lahat ng mga salik na ito ang may gawa ng kung ano man ang lumang bagay na ito sa ngayon…

image1

binalikan kong muli ang mga lumang bahay sa bagac nang nakaraang taon… isa sa mga kuha kong larawan ay nasa itaas… sinadyang isa-ayos ang lumang gusali upang maging mas matibay pa ito at mapanatili ang kawangkian ng orihinal na gusali… kapansin-pansin ang mga adobe at kahoy na gamit para sa gusaling ito… kahit ang aranyang nakasabit ay mukhang luma rin…

mukha mang luma, ang buong gusali ay kalipunan ng mga bago at orihinal na bahagi nito… sabi ng kaibigan kong kolektor, ang kagandahan ng isang antigong gamit ay nakikita sa kung gaano ito kabuo kahit nalipasan pa siya ng ilang panahon… naisip ko kaparehas ng mga antigong gamit, habang tumatagal tayo sa mundong ginagalawan natin ay tumataas din ang ating halaga…

gaya ng mga antigong bagay, binubuo ang ating patina ng iba’t-ibang mga karanasan… may tamis, pait, pighati, poot, galak at iba pa… pinatibay ang mga kalooban natin ng samu’t-saring mga karanasan at pagsubok sa buhay… sa napakaraming nakasalamuha kong nabubuhay na may HIV, masasabi kong bahagi ng kanilang pagkatao ang binago nito…

binago ng HIV ang pag-iisip ng iba… binago nito: ang paningin ng tao sa kanyang nakaraan, ang pagkilos ng tao sa kasalukuyan, at ang paraan kung paano haharapin ng isang tao ang kanyang bukas… sa pagbabagong ito, may mga nawala rin… may mga nawalan ng pamilya, kaibigan, pagkakataong makapaghanap-buhay at iba pa… sa pagbabagong ito, may mga bago ring dumating… mga bagong pamilya, kaibigan, at mga pagkakataon…

may mga pagkakataong nawala rin ang ilang bahagi ng orihinal na antigo pero hindi nangangahulugang hindi na ito pwedeng isa-ayos pa… parang tayo, hindi nawawala ang paglaom na balang-araw tayo ay makararating din sa ating taluktok…

kung ihahalintulad, ang tao ay kaparehas din ng mga antigong bagay… sa paglipat ng mga dahon ng panahon, lumalabas pa rin ang angking ganda dahil sa kanyang mga karanasan… mga sugat na nagsisilbing alaala ng kanyang pagkabigo… mga pilat na rekwerdo ng kanyang paghilom at pagbangon…

 

Posted in paglalakbay | Tagged , , , , , , , , , , | Leave a comment

mga lagusan papuntang finish line…

nang minsang pumunta ako sa isla ng laoang, katulad ng ginagawa ko sa ibang lugar na pinupuntahan ko, dumaan ako sa kanilang simbahan… makikita sa larawan sa ibaba ang gilid ng simbahan ng isla… kapansin-pansin ang mga lagusan papasok ng simbahan… maliban kasi sa pintuan sa harapan ng simbahan, maaari ring pumasok ang mga tao sa gilid nito…

photo (1)

sabi ng ilan, ito raw ay isang simbolismo… sinisimbolo raw ng maraming lagusan o pintuan ng simbahan ang iba’t-ibang paraan para tayo ay makapasok sa simbahan… kapag nagsara daw ang pintuan sa harapan, may pagkakataon pa rin ang iba na makapasok sa loob at makakuha ng bendisyon dahil bukas pa rin ang pintuan sa gilid… hindi man kumbensyunal ang pagkakakilala natin sa diyos, may ibang pamamaraan pa rin para tayo ay makakuha ng bendisyon at biyaya galing sa kanya… hindi lamang galing sa harapang pintuan… kundi pati na rin sa tagiliran… hindi man katulad ng nakararami, may mga pagkakataon pa ring mabiyayaan ang ilan basta sila ay makapasok lamang sa loob ng simbahan kahit gamit ang gilid na lagusan… ang mahalaga ay makapasok sa loob…

ganoon din siguro tayo bilang tao… may mga pagkakataong gusto tayong pasukin ng iba… mga pagkakataong gusto tayong kilalanin ng ibang tao… mga pagkakataong gustong alamin ng iba kung ano ang kaloob-looban natin… pero dahil na rin sa mga pangyayari sa ating nakaraan, naisasara natin ang ating harapang pinto…

may mga pagkakataong gusto tayong kilalanin at kaibiganin ng iba… pero dahil naloko na tayo ng mga kaibigang dumaan sa ating buhay ay nagsara na tayo ng pintuan… may mga pagkakataong gusto tayong mahalin ng iba… pero dahil nasaktan na tayo ng lubos sa mga nakaraang relasyon na kahit di-sadya ay nakapagsara na tayo ng ating mga pinto…

lingid sa kaalaman natin, may mga lagusan pa rin tayo sa gilid… na kahit anong sara pa ang gawin natin sa ating mga pintuan sa harap ay may makapapasok pa ring ibang mga taong hindi natin inaasahan… mga taong pwedeng makilala at malalaman ang lahat sa atin… mga taong makikilala tayo ng buo… mga taong pwedeng maging bago nating kaibigan at mga taong bagong magmamahal sa atin…

sa dami ng mga taong nakasalamuha at nakilala kong nabubuhay na may hiv na tulad ko, marami sa kanila ang nagsara na ng pintuan… yung iba sadya, yung iba naman di sinasadyang nakapagsara ng kani-kanilang mga pinto… nasaktan ng malamang sila ay may hiv… nasaktan ng malamang sila ay niloko ng mga karelasyon… nasaktan ng malamang sila ay nilayuan ng mga kaibigan at kapamilya…

pero ang isa sa napansin ko ay lahat sila’y hindi umasang may makakapasok sa gilid na mga lagusan… hindi nila inakalang makakakilala sila ng mga bagong kaibigang magbibigay sa kanila ng bagong saya… hindi nila inasahang may makikilala silang mga taong kaya rin silang mahalin kahit ano pa ang nakalipas nila… hindi nila inasahang may mga tao pa palang gustong pumasok sa kanilang kaloob-looban para sila ay makilala ng lubos…

nahirapan man ang ibang tao para pasukin sila, nakapasok pa rin ang mga ito… umikot man ang iba para makapasok sa ibang lagusan, sa huli, nakapasok pa rin naman sila…

isarado man ng iba ang lahat ng kanilang pinto at lagusan, naniniwala pa rin akong darating ang panahong magbubukas pa rin ang kanilang mga pinto at lagusan sa tamang taong gustong pumasok… sa tamang panahon… sa tamang katok sa pinto… sa harap na pinto… sa gilid na lagusan…

Posted in paglalakbay | Tagged , , , , , , , , , , , , , , | Leave a comment

isang trellis papuntang finish line…

“para sa trellis ko, salamat…”

isang araw, nagpunta ako sa pampanga at nakita ko ang isang trellis na sumasapo sa anim na halamang bougainvillea…

photo (10)

malago ang mga halamang nagka-sala-salabat na ang mga tangkay… ang ilang bahagi ng buong trellis ay namumutiktik ng mga bulaklak gawa ng mga halaman… dahil na rin dito, kahit tirik ang araw ay may lilim na mapupuntahan ang mga tao…

nang ako ay bata pa lamang, nagkaroon din kami ng ilang pirasong halaman ng bougainvillea… subalit lahat ng mga iyon ay nakapaso… hindi ko na matandaang lumaki ang mga ito… ang sigurado, namatay silang lahat… di tulad ng mga halaman namin, ang mga halamang nakita kong sapo ng trellis ay di hamak na mas malalaki at alam kong may ilalaki pa… bukod sa hindi ito nakapaso, may trellis pang makakapitan at susuporta sa mga ito hanggang sa gumulang na ang mga halaman…

pagwawangis… naisip kong dumarating ang mga pagkakataong ang isang tao ay nagiging trellis para sa iba… naisip ko ring may mga pagkakataong nagiging halaman silang nangangailangan ng trellis… walang isang taong kayang mabuhay ng mag-isa… kailangan natin ang gabay at tulong ng iba para mapaunlad natin ang ating mga sarili… may mga panahon sa buhay natin na tayo ang nangangailangan ng suporta ng ibang tao… may mga panahon din namang tayo ang sumusuporta sa iba…

may nakilala akong isang tao… isa siyang halamang ginagabayan ng trellis… inalalayan at patuloy na ginagabayan ng mga taong nakapaligid sa kanya… ginabayan siya hanggang marating ang abot ng kakayanan at higit pa… nagpahuli ang kanyang mga gabay para siya ang mauna… umilalim ang mga gabay para siya ay maitaas… dahil sa kanyang trellis, naging mabuti siyang tao… hindi perpekto, pero tao… mabuting tao…

nang makilala ko siya, pinatunayan niyang kaya niyang maging trellis… siya ang balag na nakasalo at nakasuporta sa isang halaman sa ngayon… dahil sa kanya, nagpatuloy ang isa sa buhay… dahil sa kanya, lalong tumingkad ang makulay ng buhay ng isa… dahil sa kanya, nakita ng isang dating trellis na pwede din pala siyang maging halaman ngayon…

ganyan lang kasimple ang buhay… kung isa kang trellis na gumagabay sa iba, siguraduhin mong maabot ng iba ang lahat ng makakaya niya… maging matibay ka para sa halaman mo… kailangan ka niya… huwag kang bibigay dahil alam kong alam rin nila ang lahat ng sakripisyo mo… kung isa ka namang halamang ginagabayan ngayon ng trellis mo, magpasalamat ka… ipaalam mo sa kanya ang katotohanang kundi dahil sa gabay niya, hindi mo mararating ang kinaroroon mo sa ngayon… kundi dahil sa kanya, hindi mapapansin ng ibang tao ang ganda at halaga mo… higit sa lahat, kapag dumating ang araw na kailangan mong maging trellis sa iba, kunin mo ang pagkakataong ito… para marami pang maging kagaya mong kayang gumabay sa iba, pag dating ng panahon…

Posted in paglalakbay | Tagged , , , , , , | Leave a comment

dasal papuntang finish line…

isang araw, nalaman ko na dinala sa isang ospital ang isang taong katulad kong mayroong hiv… inalam ko kaagad sa kanya kung kumusta na ang kanyang kalagayan… kung ano nangyari sa kanya… kung sino ang kasama niya sa ospital… kung hanggang kailan siya mananatili sa ospital… hanggang sa mauwi ang aking pangungumusta sa isang maiksing kwentuhan… nalaman kong nasa maigi na siyang kalagayan at siya ay binabantayan ng kanyang nanay…

sa aming maiksing palitan ng mga kwento, ipinangako ko sa kanyang dadaan ako ng simbahan para ipagdasal siya… upang lalong mapabilis ang pagbuti ng kanyang nararamdaman…

20140730-173634.jpg

nang makarating ako sa loob ng simbahan at maupo, luminga-linga ako sa paligid… napagtanto kong tatlong tao lamang ang nasa loob… ang tagapaglinis ng simbahan… ang babaeng natutulog… at ako na ang ikatlo… hindi ako kaagad nakapagdasal… dala na marahil ng init ng araw na iyon, mas minabuti kong maupo muna at magpahinga… habang nakaupo, hindi ko maialis ang tingin ko sa babaeng nasa larawan… tinanong ko ang sarili kung bakit may natutulog sa loob ng simbahan gayong wala namang nakaka-antok na paring nagsesermon ng mga oras na iyo… hindi rin naman mukhang palaboy sa lansangan ang babae na maaaring naghahanap lamang ng panandaliang matutulugan… umikot ng umikot ang mga pwede kong ikabit na istorya sa babaeng nasa aking harapan… hanggang sa magpasya akong kunan na lamang siya ng larawan at simulan na ang pagdarasal ko… naisip ko na lamang na gawan siya ng kwento kapag ako’y nasa bahay na…

sinimulan kong kausapin ang diyos… sinabi kong sana’y makauwi na kaagad mula sa ospital ang bagong kaibigan… sana’y gumaling na siya sa kanyang karamdaman… sana’y mawala na ang pag-aalala ng kanyang ina… nang mga oras na iyon, alam kong dinirinig ng diyos ang mga hiling ko… nang matapos ang kahilingan ko para sa bagong kaibigan… nagpasalamat din ako sa mga biyayang natatanggap ko… nagpasalamat sa bagong mga kaibigan… at nagpasalamat sa napakagandang araw na iyon… nang matapos ang aking maiksing dasal, natigil ako… natigil ako dahil hindi ko na alam ang mga susunod kong sasabihin…

nag-isip ako kung ano pa ang pwede kong sabihin… nagisip akong mabuti ng idarasal pa dahil natatakot akong baka may makalimutan ako… umabot pa ako ng mga sampu hanggang labinlimang minuto na walang ginagawa sa loob ng simbahan kundi ang tumanga… hanggang magpasya na akong umuwi na lamang…

nang ako’y makauwi na, tumatakbo pa rin sa isipan ko ang lahat ng nasabi ko habang ako’y nasa simbahan… kilala ko ang sarili ko at alam kong malamang na may nakalimutan akong sabihin nang ako’y nagdarasal pa… sa kasamaang palad, hindi nakisama ang aking memorya ng mga oras na iyon… kaya minabuti ko na lamang balikan ang larawang kinunan ko kanina…

sa katititig sa larawan naisip kong minsan, dumarating ang pagkakataon sa buhay ng tao na lalapit siya sa diyos… maaaring dahil may dinarasal siyang hiling o di kaya naman ay nagdarasal lamang ng pagpapasalamat… kahit ano pa man, nagkakaroon pa rin ng pagkakataong kinakausap natin ang mga pinaniniwalaan nating diyos… sa ating pagdarasal, naniniwala tayong mayroong nakikinig sa ating mga panalangin… at yun ang pananampalataya o pananalig…

dahil sa pananalig na ito, nagkakaroon ng kahit kaunting pag-asa ang mga tao… dahil sa pananalig na ito, lumalakas ang loob ng taong pinagdasal na siya ay gabayan sa kanyang paghahanap ng trabaho… dahil sa pananalig na ito, nakakahinga ng maluwag ang isang inang pinagdasal ang kaligtasan ng kanyang anak laban sa kapahamakan… dahil sa pananalig na ito, pumapayapa ang loob ng isang kaibigang magiging maayos din ang lagay ng isang kaibigang ipinagdasal niya… dahil sa pananalig na ito, nabibigyan ng pag-asang mapanumbalik pa ang dating sigla ng mga may sakit na nagdarasal na nawa’y sila’y mabigyan ng mahaba pang buhay… dahil sa pananalig na ito, nabibigyang katahimikan ang mga kalooban ng taong nagdarasal sa ikapagpapatawad ng kanilang mga kasalanan… dahil sa pananalig na ito, nabibigyang pag-asa ang lahat ng mga nagdarasal sa kani-kanilang panalangin…

hindi naman masamang maniwalang may mas nakatataas pang diyos sa ating lahat… nakapagpapa-alala nga ito sa atin ng ating mga kahinaan at karupukan… nakakapagturo ito sa atin ng kababaang-loob na hindi natin kaya ang lahat… at nakakapagbigay din ito ng pag-asang darating ang araw na magiging maayos ang lahat…

hindi ko pa nakakabitan ng kwento ang babaeng natutulog sa larawan… hindi ko na din maalala kung may nakalimutan pa akong ipagdasal nang araw na iyon… ang alam ko lang, nadinig ng diyos ang mga pinagdasal ko at nung babae… pati na rin ang mga kahilingang hindi na nasabi pa nung babae bago siya matulog… pati na rin ang mga nakalimutan kong ipagdasal nang mga oras na iyon… lahat ng mga ito ay narinig ng diyos… sa mga oras na kapos na at narating na natin ang hangganan ng ating kakayanan bilang tao, huwag nating kalilimutang mayroon pa tayong mapaghuhugutan ng pag-asa… at kung sa tingin mong wala ka ng ipagdadasal pa para sa sarili, ipagdasal mo ang ibang tao… malay natin, kailangan din nila ito…

Posted in paglalakbay | Tagged , , , , , , , , , , | Leave a comment

mga bulaklak papuntang finish line…

nitong mga nakaraang araw ay napansin ko sa timeline ko sa twitter ang mga away at palitan ng mga hindi magagandang salita ng kung sinu-sino… hindi ko alam kung magkakakilala na sila noon pa lang o kung hindi talaga sila magkakakilala ng personal at nagkabanggaan na lang sila sa mundo ng twitter… hindi ko rin alam kung ano ang puno’t dulo ng kanilang hindi pagkakaunawaan… lalong hindi ko rin alam kung sino ang nasa tama at sino ang nasa mali… isa lang ang sigurado ako, totoong may mga alitan sa mundo ng twitter…

minsan may nagtanong sa akin kung kilala ko ang mga nag-aaway at kung may alam ako sa kanilang pinag-aawayan… sinabi ko lang ang totoo, na wala akong alam sa mga pangyayari at hindi ko rin kilala ang mga taong iyon… tinanong niya kung ano ang masasabi ko tungkol sa awayan ng mga partidong ito… nasabi ko lang na nakalulungkot isiping may mga awayang nagaganap sa mundong ginagalawan namin… wala na akong ibang masabi pa dahil wala akong alam sa awayang nagaganap…

bago pa rito, may isang taong gusto akong makausap… sinabi lang niya sa akin na gusto niyang may makausap na ibang taong kagaya niyang nabubuhay na may hiv… isa sa mga una niyang naitanong sa akin ay kung ako raw ba ay kasama sa isang grupong pinangalanan niya… nang malaman niyang hindi, tinanong niya ulit kung kasama naman ako sa isa pang grupong binanggit din niya sa akin… sinabi kong hindi rin ako myembro ng pangalawang grupong binanggit niya… nag-usisa pa siyang mabuti… nagbigay siya ng mga pangalang pamilyar sa akin at sinabi kong yung ibang binanggit niya ay nakilala ko na… saka siya nagpasyang huwag na akong kausapin… nang tanungin ko kung bakit, sinabi lang niya sa aking ayaw niyang makipag-usap sa mga taong kagaya kong myembro ng mga grupong binanggit niya nung umpisa… hindi na ako nakapagpaliwanag pa at binabaan na niya ako ng telepono…

naisip ko, maaaring ang taong nakausap ko ay myembro ng isang grupo na ayaw makakausap ng kahit na sinong kabilang sa ibang grupo… pwede rin namang wala siyang kinabibilangang grupo at ayaw niyang makakausap ng kahit na sino galing sa kung anong grupo… nung una, hindi ko maintindihan ito… pero kalaunan, dahil na rin sa kababasa ko ng mga tweets at dahil na rin sa kwento ng ibang mga taong nakasalamuha ko, nalaman kong may mga grupo pala silang hindi gusto…

photo (9)

ang mga grupong nabanggit sa akin ay binubuo ng iba’t-ibang mga taong may adbokasiyang makatulong sa mga kapwa naming hiv positive… magkaka-ibang grupo at magkakaibang personalidad ng mga tao… iba’t-ibang pamamaraan kung paano sila tumutulong… iba’t-ibang antas ng talino at kakayanan… iba’t-ibang estado sa buhay… iba-iba… sa kanilang pagkakaiba isa lang ang sigurado akong nagbubuklod sa kanila… iyon ang kagustuhan nilang gumawa ng mabuti para sa komunidad ng mga taong may hiv…

kagaya ng nasabi ko sa isang kaibigan, nakalulungkot isiping umaabot sa mundo ng twitter ang mga paninira at pambabatikos ng ilang tao laban sa iba… ang atake ay hindi nakadirekta sa iisang tao lamang, nadadamay na rin ang buong grupo… hindi ko alam kung alam nilang ang paninira ay hindi tama at walang buting maidudulot… hindi lamang sa tao o grupong sinisiraan nila kundi repleksyon na rin ng kanilang imahe…

kung titignan natin sa isang anggulo, lahat ng mga grupong ito ay parang iba’t-ibang uri ng bulaklak… kahit anong uri pa ito ng bulaklak, nakapagbibigay pa rin ito ng ganda… ang mga taong nagbibitaw ng mga salitang hindi makabubuti sa isang grupo ay parang isang taong gustong latayan ang mga talulot ng mga bulaklak… kapag lahat ng mga bulaklak ay nalatayan na, ano pa ang gandang maibibigay nila? kapag lahat ng mga bulaklak ay nalatayan na sa huli, wala ni isang bulaklak ang pwedeng iturong mas maganda kaysa sa isa…

ganoon din ang tingin kong nangyari sa nakausap ko dati… kahit alam kong sa loob ko ay may buti ang mga grupong sinabi niya, dahil na rin siguro sa mga latay na nakita niya, hindi na niya nagawang makita pa ang ganda nito… at hindi rin ako magtatakang malamang hindi lang siya ang taong nawalan ng gana… kadalasan kasi, sa pagiging makasarili ng ilan ay nadadamay ang mas importante pang mga bagay… nakakalimutan ng iba na ang layon lang ng mga grupong ito ay para sa ikabubuti ng nakararami… nakakalimutan din nilang marami pang taong maaaring mawalan ng tiwala sa buting ito… higit nilang nakalimutang repleksyon din nila ang paninirang-puri sa iba…

sa mga makakabasa nito, huwag din sana kayong makalimot na kahit may mga bahid ng latay ang mga bulaklak na inyong makikita, ay hindi rin natin maiaalis ang katotohanang bulaklak pa rin sila… sira man sa paningin ninyo ang ilang grupo, huwag nating kalimutang ang pangunahin nilang layon ay makatulong sa ating komunidad… huwag na rin tayong sumunod sa iilang mga taong nakapagbigay latay na sa mga bulaklak na ito…

Posted in paglalakbay | Tagged , , , , , , , , , , , , , | Leave a comment

isang tanong papuntang finish line…

nitong mga nakaraang linggo ay may mga bagong pangalang dumagdag sa listahan ko ng mga taong may hiv… sa aming mga palitan ng kwento, hindi maiaalis ang mga katanungang may kinalaman sa kung paano at kailan namin nalamang kami ay mga hiv positive… marami akong sinagot na mga tanong… karamihan sa mga tanong ay mga inasahan ko na, habang ang ilan naman ay hindi…

normal na sa aking makatanggap ng mga tanong tulad ng: kailan mo nalamang may hiv ka? paano mo nakuha? alam mo ba kung kanino mo nakuha? sinu-sino na ang mga nakaka-alam? alam ba sa pamilya mo? alam ba sa trabaho mo yung sakit mo? ano ang arv meds mo? saan ang hub mo? sino ang doktor mo? ano na ang cd4 count mo? undetectable ka na ba? active pa ba sex life mo? may partner ka ba, at alam ba niya? nagkaroon ka ba ng opportunistic infections(O.I.)? at marami pang ibang mga tanong…

sanay na ako sa mga tanong na ‘yan at handa na rin ang isip ko sa mga sagot… pero hindi ko maikakaila na may mga tanong din na madalang kong marinig… dahil sa dalang, napapatigil din ako minsan para mag-isip… ilan na rito ang mga tanong gaya ng: ano ang naramdaman mo nang malaman mong positive ka? ano ang mga paghahandang ginawa mo? paano ka naapektuhan ng sakit mo? ano ang ginagawa mo para labanan ang stigma sa mga katulad niyong may hiv? at may mga iba pa…

sa lahat ng mga tanong na ibinato na sa akin ng mga bagong kakilala, isang tanong ang natagalan akong sagutin… hindi dahil sa hindi ko alam ang isasagot… hindi dahil bago sa pandinig ko ang tanong kundi alam kong kailangan ng kausap ko ang isang malinaw at konkretong sagot… “ano pa ang pwede kong gawin ngayong may hiv na ako?”

bago ko pa man simulan ang litanya ng sagot na binubuo ng isipan ko ng mga oras na iyon, ay sinabihan na niya akong huwag ko na lang daw sagutin… hayaan ko na lang daw siyang makaalam ng sagot sa tanong niya… pero aalamin pa rin daw niya sa mga susunod na araw kung ano ang sagot ko… nagtuluy-tuloy kami sa usapan namin at kung saan-saan napunta ang aming mga kwento… natapos ang aming usapang nakangiti ako dahil na rin siguro sa kanyang likas na pagkamasayahin…

naglaro sa isipan ko ang tanong niyang naiwang walang kasagutan… “ano pa ang pwede kong gawin ngayong may hiv na ako?” naisip ko lang — sa panahon ngayon, ang hiv ay hindi na isang hatol ng kamatayan hindi tulad noong araw… dahil na rin sa makabagong panahon, ang taong may hiv ay may kakayanan ng maging mahaba ang buhay gaya ng ibang taong wala nito… dahil dito, mas marami na rin tayong pwedeng gawin… isa na rito ang sagot na gustung-gusto ko sanang sabihin sa taong nakausap ko…

photo (9)
kuha ko ang larawan sa itaas nang nagpunta ako minsan sa nasugbu, batangas… habang tinitignan ko ang larawan, naisip ko na gaya ng lamp post, pwede tayong magbigay liwanag sa ibang tao sa oras ng kadiliman… ito sana ang isasagot ko sa aking nakausap kamakailan…

may paniwala akong kahit ano pa man ang mangyari, may kakayanan tayong maging ilaw para sa iba… lalo na kung sila ay nasa madilim na bahagi ng kanilang buhay… maraming paraan para magbigay liwanag… depende ito sa taong nangangailangan… gaya ng iba’t-ibang kulay ng salamin sa larawang kuha ko, pwede tayong magbigay ng: liwanag na magpapatingkad sa ibang tao, liwanag na magpapakalma sa iba, liwanag na magpapasigla sa ibang tao at kung anu-ano pa…

kadalasan, kapag ang tao ay binigyan ng isang balitang hindi maganda, para siyang nilukuban ng dilim… tulad ng mga batang takot sa dilim, marami pa rin ang mga taong may takot oras na malamang sila ay may hiv… ano ang pwedeng gawin ng ibang nalampasan na ang takot? magbigay liwanag… magbigay ng kaliwanagang katulad ng ibang problema sa buhay, mabigat man o magaan, ang hiv ay hindi katapusan…

may hiv man ang isang tao, hindi ito nangangahulugang titigil ang mundo… patuloy pa rin ang pag-ikot nito… dumilim man ang mundo mo dahil dito, magliliwanag din ito… maaring ikaw mismo ang makahanap ng ilaw para paliwanagin ang sarili mong mundo… maaari din namang ibang tao ang magsilbing ilaw mo…

kung sakaling dumating ang araw na hingin niya ang aking kasagutan, sasabihin ko lang na napakaraming pwedeng gawin… pwede mong simulan sa pagiging ilaw… dahil marami pa rin ang nasa dilim… marami pa rin ang natatakot… lahat sila, nangangapa pa rin… nakikiramdam… naghahanap ng kahit konting liwanag… naghihintay ng ilaw…

Posted in paglalakbay | Tagged , , , , , , , , , , , | 1 Comment

minsan’y na-in love papuntang finish line…

may mga ilang linggo na rin akong paulit-ulit na nakakakita ng mga tweets tungkol sa love… halos lahat sila ay katulad kong may hiv… may mga nagsabing kasama nila ang mga mahal nila sa buhay… may mga nagsabing nagtampuhan sila ng mga kapareha nila… mayroon ding nagsabing nagkahiwalay na silang magkarelasyon… at marami pang iba… pero pansin ko, ang pinakamadalas kong mabasa sa twitter ay may kinalaman sa paghahanap ng mga magiging kapareha nila sa larangan ng pag-ibig…

maraming nagsabing naiinip na sila sa kahihintay ng taong magmamahal sa kanila… maraming nagsabing malungkot sila dahil wala silang kapareha… maraming nagtatanong kung kailan daw darating yung tamang tao para sa kanila… halos karamihan naghahanap ng taong makakasama nila sa kanilang pagtanda…

habang naglalaro sa aking isipan ang mga sinabi nila ay tumitingin ako ng mga litrato sa aking telepono…

blog

hindi ko na matandaan kung kailan ko nakunan ng litrato ang barandilyang nasa itaas… ang alam ko lang ay kuha ito nang minsan’y nasa baguio city ako… hindi ko na rin alam kung ano ang tumatakbo sa isipan ko nang kunan ko ito ng litrato… pero ang sigurado ay tumatakbo pa rin sa aking isipan ang mga tweets na nabasa ko tungkol sa pagibig…

kung hindi ako nagkakamali, ang barandilyang ito ay nasa ikalawang palapag ng gusali… isa siyang harang para hindi mahulog ang mga taong nasa terasa… kung dudungaw ka sa barandilyang ito ay makikita mo ang napakagandang tanawin mula sa kalapit na bundok… pero kung ibababa mo ang iyong tingin ay makikita mo ang isang magandang pond at hardin… dito ko naisip na pwede palang ihalintulad ang pagibig sa terasang may barandilya…

nakaharang ang barandilya sa delikadong lugar kung saan pwedeng maaksidente ang tao o masaktan kapag nahulog… kapag ang tao nagmamahal may dalawang bagay na pwedeng mangyari — pwedeng maging masaya hanggang sa huli o di kaya ay masaktan sa hulihan… sa simula, kung tayo ay magmamahal, dapat may harang… hindi dahil sa ayaw mong tumalon o pumasok sa isang relasyon kundi para magkaroon ka ng panahong magmasid, makiramdam at pag-aralan ang lahat…

dapat mong kilalaning mabuti ang taong mamahalin mo… kailangan yung makakasundo mo… yung hindi ka kayang saktan… yung kayang tanggapin hindi lang ang kalakasan mo kundi pati na rin ang iyong mga kahinaan… yung kayang punuin ang mga pagkukulang mo… yung tutulungan ka para maabot mo lahat ng kaya mong abutin… at yung mamahalin ka ng totoo…

huwag mo ring kalimutan na kailangan mo ding pag-aralang mabuti ang sarili… alamin mong mabuti kung ano ang iyong nararamdaman… katulad ng hinahanap mo sa pag-ibig, alamin mo rin kung kaya mong ibigay iyon… kung makakasundo ka ba niya… kung hindi mo siya kayang saktan… kung kaya mong tanggapin ang kalakasan niya at kahinaan… kung pupunuan mo rin ang kanyang mga pagkukulang… kung tutulungan mo rin ba siyang maabot ang lahat ng kaya niyang abutin… at kung mamahalin mo rin ba siya ng totoo…

hindi naman masama ang mag-ingat sa pagpili ng paglalaanan mo ng pagmamahal… hindi naman ito nangangahulugang takot kang masaktan… sa padalus-dalos na desisyon — madalas, nakakalimutan ng ilan na hindi lang naman ibang tao ang kayang manakit… nakakalimutan din ng iba na may kakayanan din silang manakit ng kapwa… kaya sa pagmamahal mahalagang siguruhing mabuti ang nararamdaman bago sumuong sa relasyon…

hindi ko rin naman kayang sabihing kapag nag-ingat ka sa pag-ibig ay hindi ka na masasaktan… gaya nga ng nasabi ko, pwedeng sa huli ay hindi pa rin maganda ang kahinatnan… okay lang ang masaktan… kaya ka nasaktan dahil nagmahal ka… pero huwag kang matatakot magmahal muli… kapag hindi maganda ang katapusan ng buhay-pag-ibig mo, hindi pa iyon ang katapusan…

maraming naghahanap ng taong magmamahal sa kanila… pero minsan, nandyan na pala ang matagal na nilang hinihintay hindi lang nila ito napansin… dahil kung saan-saan pa sila naghahanap at nakatingin… tulad ng litrato sa taas, mamamangha ka sa ganda ng kalapit na bundok — pero kung hindi mo ibabaling ang tingin mo, hindi mo makikita ang ganda ng hardin sa ibaba… huwag mong kalilimutang barandilya ang ihaharang mo — para pwede ka pang lumipat o tumalon pakabila kapag handa ka na… at huwag mo ring kalilimutang kapag nasaktan ka, huwag mong ikukulong ang sarili sa rehas — kung saan hindi ka na makakalabas…

ikaw? ano ang namamagitan sa inyo? barandilya o rehas?

Posted in paglalakbay | Tagged , , , , , , , , , , | 2 Comments